Philippine Standard Time

‘Video,’ inilunsad upang mahikayat ang kabataan na mangasiwa at mag-alaga ng baboy

Kamakailan lang ay inilunsad ang isang ‘animated video’ tungkol sa wastong pangagasiwa at pag-aalaga ng baboy sa bakuran o ‘backyard pig farming.’ 

Ang ‘video’ ay resulta ng isang proyektong isinasakatuparan ng Australian Centre for International Agricultural Research (ACIAR) at ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD). 

Layon ng video na ito na mapakalat ang kaalaman tungkol sa ‘backyard pig farming’ sa mga kabataan at mahikayat sila na gawin itong kabuhayan. 

Bukod sa pagpapakita kung paano kikita ang nag-aalaga ng baboy, ipinaliliwanag din ng video kung paano maka-susuporta sa industriya ng pagbababuyan.

Ang video ay maaaring mapanood sa YouTube: https://youtu.be/qkK7ID2SiFQ. Hinihikayat ng video ang mga kabataan upang gawing kabuhayan ang backyard pig farming dahil tumatanda na ang mga nag-aalaga ng baboy, na may edad 40 pataas. 

Tinalakay din sa video ang mga pamamaraan sa pangangalaga ng baboy sa patnubay ng syensya at teknolohiya. Ilan sa mga ito ay kung paano magsisimula ng babuyan sa bakuran at kung paano mangangasiwa ng mga inahing baboy at mga biik. Ipinapaliwanag din dito ang kahalagahan ng pagpili ng magandang kalidad ng mga baboy pati na rin ang pangangasiwa ng inahing baboy at mga biik sa pamamagitan ng simpleng teknolohiya gaya ng ‘nipple drinker’ at ‘creep box.’

Ang iba pang tinalakay sa video ay ang kahalagahan ng ‘biosecurity’ upang mapigilan ang mga sakit ng baboy; ‘biogas technology’ bilang alternatibong pinagkukuhanan ng kuryente; paggamit ng dumi ng baboy bilang pang-abono; at ang kahalagahan ng paggamit ng talaan upang matutukan nang mas mabuti ang mga baboy. 

Ang video ay naisagawa sa ilalim ng proyektong may titulong “Improving the production and competitiveness of Australian and Philippines pig production through better health and disease control (AH/2012/066)” na tinatawag din na “PigHealth – EcoHealth.” Bukod sa nasabing video, may iba pang materyales tungkol sa tamang pangangasiwa ng mga baboy ang ginawa. Makikita ang mga materyales na ito sa website ng Bureau of Animal Industry (BAI): http://www.bai.da.gov.ph/index.php/download/category/205-swine-raising.