Ang paggamit ng zinc solubilizing inoculant sa mga sakahan na may kakulangan sa elementong zinc ay makapagpapataas ng ani ng palay, mula 1.5 hanggang 2 tonelada bawat ektarya (t/ha) na maaaring umabot sa 4.5 t/ha kabuuang ani. Ang inoculant ay maaari ding makapagdagdag ng 10 porsyento (%) sa ani ng mais.
Ang zinc solubilizing inoculant ay isang mura at maasahang alternatibo sa ‘nitrogen’ at zinc na abono dahil ito ay nagkakahalaga ng 10% lamang ng karaniwang presyo ng ‘commercial’ na abono sa merkado.
Ang inoculant ay resulta ng pananaliksik na isinagawa ng National Institute of Molecular Biology and Biotechnology sa Unibersidad ng Pilipinas Los Banos (BIOTECH-UPLB). Ang resulta ng proyektong ito ay iniulat noong National Symposium on Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development (NSAARRD) at nagkamit ng ikatlong gantimpala sa kategoryang “Best Research Paper.” Ang proyekto ay pinarangalan noong ika-29 ng Nobyembre 2021.
Dahil ang zinc ay isa sa mga pinakaimportanteng ‘micronutrients’ sa pagpapalaki ng halaman, ang proyekto ay gumawa ng zinc solubilizing inoculant para tugunan ang kakulangan ng zinc sa sakahan ng mais at palay. Sa palay, mas laganap ang kakulangan ng zinc sa ‘seedling stage’ o pagpapatubo ng punla matapos itong ilipat mula sa pinagtamnan.
Apat na lugar sa Pilipinas ang natukoy na mayroong mataas na kakulangan sa zinc. Ito ay ang Aklan, Mindoro, Tarlac, at Dumaguete. Kumuha ng mga ‘sample’ ng lupa at ugat ng palay at mais sa mga nasabing lugar upang suriin ang nilalaman nilang zinc solubilizing bacteria.
Pinatunayan ang kahusayan ng inoculant sa pagpapataas ng produksyon ng palay at pagsusulong ng 'zinc biofortification' o ang pagpapataas sa normal na nilalamang zinc ng palay at mais. Nakikita rin ang produkto bilang mabisang pangtugon sa kakulangan ng zinc sa pagkain higit lalo sa mga mahihirap na komunidad sa bansa.
Ang proyektong ito ay sinuportahan ng Department of Agriculture-Bureau of Agricultural Research.